Friday, May 06, 2005

Talumpati ng Pagtatapos

AMdG
Peb. 10, ‘05
4-B Filipino- Talumpati

Ako ay elemento lamang na nakalista sa talaang peryodiko. Oo at makikita ninyong ako’y nakapuwesto sa hanay ng mga pangulo ng klase, sa helera ng mga kapitan ng koponan, sa pangkat ng B2005, ngunit iyon lang. Nananatili akong isang hamak na titik, walang ibang kakilanlan, walang saysay, walang katangian. Ano nga ba ang aking mga kakayahan? Ano ang aking ugali? Ano ba ako? Ako ay elementong matatanto lamang ang mga katangian kung makihalo sa iba pang mga elemento.
Magpatak ka ng asidong sulfur sa bakal at tiyak, mag-iinit ito, sisingaw at uusok. Talagang nababanas ako ng todo tuwing nagpapatak ng mga batikos sa klase natin ang mga gurong parang sirang plaka sa pagdidilang-anghel. Pinipisat lang nila tayo habang maaga, dahil alam nilang balang araw, magiging pinakadakila tayo sa lahat. Baliktarin mo man ang mundo, kalugin, haluin at batiin nang batiin, sadyang hindi mapag-iisa ang langis at tubig. Gayon din sa akin, may mga babae at mga bagay na marahil, hindi talaga para sa akin. Apat na taon akong naging pangulo at hindi nagkaroon ng unang binibini ni minsan. Apat na taon akong nag-ensayo para lamang matalo sa apat na minutong laban para sa MVP. Kaya’t patuloy na lamang akong umagos, tinitingala ang langis ng aking mga pangarap na lumulutang-lutang at hindi makakamit. Mag-isa, ang oxygen ay walang kalatuy-latoy, ngunit ipahimas mo sa glucose at sila’y lilikha ng enerhiya. Alam naman nating ang takbo ng buhay natin dito sa mataas na paaralan ay nakapapagod na nakababato, mabilis na nakaiinip, nakatatawa na nakaiiyak. Kung ako’y nalulumbay, pagod o walang gana, ang kailangan ko lamang ay magpahimas sa ilan sa inyo, mga kaibigan, ang aking mga karamay, at muli kong maaatim ang mag-aral, pumunta sa mga miting, mag-ensayo sa taekwondo, at higit sa lahat, ngumiti, tumawa at mabuhay man lamang. Ipagsama mo ang ilang elemento, ang carbon, hydrogen at oxygen halimbawa, at bubuo sila ng matamis na asukal. Dikdikin mo man at piliting paghiwalayin, hindi mapagwawalay ang mga elementong ito. Reaksyong kimikal lamang ang makapaghihiwalay dito. Pinagsama sa kapatiran ang ilang mga tampok na mag-aaral -carbon, hydrogen at oxygen- at nabuo ang pinakamatamis na butil ng asukal at tinawag na B2005, solido at isa. Ngunit mayroong malupit na reaksyong kimikal na sapilitang paghihiwalayin tayo; ang bansag dito ay Pagtatapos.
Namamatay na isa-isa ang mga nalalabing araw ng ating pagsasama, tulad ng elementong carbon na natatapyas na ang kalahating-buhay (half-life). Paghihiwalayin na ang kimikal na tila linikha mula sa henyong pormula. Ngunit ano nga ba ang makapagpapakupas sa ginto, o makapaghahalay rito upang mangalawang? Wala. ‘Di kailanman magmamaliw sa aking isipan ang ginintuang alaala ng ating pagsasama. Dahil naririto sa silid na ito ang mga elementong aking nakasalimuha, na nagpalabas ng aking mga kakayahan, ugali, kakilanlan, at nagbigay ng kabuluhan sa aking buhay sa mataas na paaralan.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home