Thursday, July 13, 2006

Indio-Kristo

Si Hesu Kristo ang diyos na dinala ng mga mananakop na Espanyol sa pagdaong nila sa ating dalampasigan. Tinangay ng mga banyagang kolonisador ang mga anitong sinasamba ng ating mga ninuno, dinamitan ng magarbong kasuotang panghari, pinutungan ng korona, sinabitan ng mga alahas, at muling ipinakilala sa mga katutubo. “Ito si Hesu Kristo, ang tunay at nag-iisang Diyos!”

Nagtaka ang mga katutubo, “Sino siya? Hindi namin siya kauri; kulay lupa ang kanyang buhok at tila patak ng tubig sa dagat ang kanyang mga mata. Ang aming mga diyos ay lumulutang sa hangin, nanalaytay sa mga ugat ng puno, nag-aapoy sa langit, sumasakay sa kidlat, at naninirahan sa lupa. Sinasamba namin ang aming mga dakilang ninuno, silang mga pambihirang ganap na tao, ang aming mga bayaning biniyayaan ng langit ng kakaibang kapangyarihan: sina Lam-Ang, Aliguyon, Ulalim at iba pa. Galing sila sa iba’t-ibang dako ng aming kapuluan, at bagama’t nagkakalayo, sila ay may iisang diwa; binubuo nila ang engkantadong hukbo ng mga mandirigma na siyang aming tagapagtanggol. Madalas naming sinasambit ang kanilang epiko sapagkat sa bawat pagsambit, naipapamahagi sa amin ng kanilang espiritu ang kanilang kapangyarihan. At kung kanilang nanaiisin, papaslangin nila ang diyos niyong maputla ang mukha at walang kalaban-kalaban, sapagkat sila ay may pambihira at mahiwagang lakas, at hindi sila namamatay.”

“Subalit,” pakli ng mga banyaga, “bayani rin tulad nina Lam-Ang si Hesu Kristo. Siya man ay may pambihirang kapangyarihang biyaya ng langit. At tulad ng inyong mga ninuno, hindi siya namamatay. Maging ang mga tinutukoy niyong diyos ng kalikasan ay suko sa kanya; isang kumpas lamang ng kanyang dakilang kamay at dagliang mananahimik ang dagundong ng kulog, hihinhin ang ihip ng hangin, gagaang ang kumpas ng mga alon, at aamo ang sumpong ng nakasisindak na bagyo. Dagdag pa rito, pinaghaharian ni Hesu Kristo ang langit na nagdudulot ng kapangyarihan ng inyong mga Lam-Ang at Aliguyon. Sa gayon, makidigma ang buong hukbo ng inyong engkantadong hukbo ng mga bayani, kayang-kaya silang madaig nang mag-isa ni Hesu Kristo.”

“Ngunit,” dagling pahabol ng mga banyaga, “hindi papatayin ni Hesu Kristo ang inyong mga bayani at hindi niya kayo sasaktan, sapagkat galing man siya sa malayong pook at hindi niyo kamukha, kaisa ang diwa niya sa diwa ng inyong mga ninuno. Siya rin ay maawain at mapagmahal. Binanggit niyong tila patak ng dagat ang kanyang mga mata; dahil ito sa pait ng kanyang buhay. Dakila man siya, gaga-dagat ang luha niya alang-alang sa inyo. Diyos man siyang naghahari sa langit, karamay ninyo siya sa hirap. Naiintindihan niya ang inyong mga pasakit at paghihirap.”

Nagtaka ang mga katutubo. Naantig sila sa diyos na magpakumbaba, at sila’y nagtanong, “Paano maiintindihan ng makapangyarihang diyos ang mga kaawa-awang nasa lupa?”

“Ito ang kanyang kwento: Mula sa kataas-taasang langit, bumaba siya sa lupa sapagkat nakita niyang nagsasakitan at nagkakasala ang mga tagalupa. Isa siyang diyos, ngunit nagkatawang-tao at isinilang sa sabsaban upang mamuhay sa mundo. Nang husto na ang kanyang edad, nagpaalam siya sa kanyang ina upang magsimulang iligtas ang mga makasalanang tao at buksan ang lagusan tungo sa buhay na walang-hanggan. Layon niyang iwasto ang kamalian at kasamaan ng mga tampalasan, at siya ay kinagalitan sapagkat ayaw talikuran ng mga tao ang kanilang kasalanan. Ayaw nilang iwanan ang buhay na makasarili at puno ng pagpapasarap. Sa sarili man niyang bayan ay kinamuhian siya at pinalayas. Nais niyang ipalaganap ang mabuting balita ng kabilang buhay, ngunit lumaganap ang pagkamuhi sa kanya. Di naglaon pinagbintangan siyang baliw, pinaratangan bilang lapastangan at kinasuhan. Sa kabila ng lahat ng ito, ang dakilang diyos na si Hesu Kristo ay hindi tumigil sa pag-ibig sa mga mangmang na tagalupa. Ang diyos na ito ay nagtiis. Ginulpi siya, kinutya, dinusta, at pinula. Pagkatapos siyang hiyain, pagtawanan, saktan at hubaran, iniharap siya sa mga mamamayan upang hatulan. Bagamat walang kasalanan, sumigaw ang mga tao ng, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” sapagkat ang tao ay uhaw sa dugo, nahihibang sa spektakulo ng gusgusing kinakawawa, at natutuwa sa kamalasan ng iba. Pinarada si Hesu Kristo habang binubuhat ang kanyang krus. linatigo siya ng mga kawal at dinuraan ng mga mamamayan, sapagkat di nila namamalayang ang kahoy na karga-karga ng gusgusing ito ay ang kanyang pagpapasan ng kanilang kasalanan. Ipinako siya sa krus ng mga taong kanyang nais iligtas. Tinukso siya ng isang kriminal na pinako kasabay niya, ‘Kung ikaw nga ay diyos, iligtas mo ang iyong sarili!’ Ngunit nagtiis ang dakila at makapangyarihang diyos, ‘pagkat ang nakapanggigilalas na katunayan ay ipagpapalit na niya ang kanyang buhay para sa kaluluwa ng sangkatauhan, upang mapatawad sila ng langit at mabuksan ito para sa kanila…”

Kinilabutan ang mga katutubo, at namangha sa pag-ibig ni Hesu Kristo. Dumapa sila upang halikan ang lupang kakulay ng Kanyang buhok, tumangis ng mga luhang simpait ng patak ng dagat sa Kanyang mga mata, at sumamba kay Hesu Kristo.

At mula sa lupang kanilang yinakap at tinaghuyan, bumangon mula sa kamatayan si Hesu Kristo, namuhay sa diwa ng mga katutubo, at sampu ng kanilang mga ninuno, lumipad patungo sa langit na walang-hanggan.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home